Sunday, April 27, 2008

uuwi na si UDONG my i witness entry in 1st Documentary Semniar

UUWI NA SI UDONG

Bakit ang Uuwi na si Udong? Ang kuwento nina Udong at Toto pati ng libo libong mga batang Filipino na namulat ng maaga sa pagbabanat ng buto, pati na rin ang iba pang mga paslit na napipilitang manlimos sa lansangan ay naglalawaran ng reyalidad sa pang araw-araw na pamumuhay ng pangkaraniwang pamilya o ng mas nakakaraming miyembro ng ating lipunan na lubog sa utang kung hindi man ay hikahos dahil sa walang ibang mapagkukunan ng ikabubuhay.
Mga sakada sa Aklan patungong tubuhan ng Batangas, nagbalik sa aking isipan na minsa’y naging saksi ako ng ganitong eksena mga ilang dekada na ang nakakaraan, tulad ng mga sakadang galing Aklan may mga dumarayo naman sa lugar namin noon mula sa isang bayan ng Batangas na mga mag-aani ng palay, tulad nina Udong at Toto, ang dumarayong kung tawagi’y tropang Batangas ay binubuo ng halos humigit kumulang mga lima hanggang walong pangkat na may bilang na 20 hanggang 40 ang bawat miyembro, may namamahala sa kanila na derektang kausap ng may ari ng palayan at iyon ay ang kanilang kung tawagin ay Manager, mga kalalakihan lahat, binubuo ng mga magulang at mga anak na kabataan na sumama sa kanilang ama sa pag aani may mga edad 10 taon pataas kalimitan mga 13 pa lamang o 16 ang edad. Manunuluyan ng mga apat hanggang anim na buwan din o hanggat hindi natatapos ang anihan, walang pinagkaiba sa sistema ng mga sakada, wala munang pera hanggat hindi nakukuha ang kaparte sa inaning palay, kahit nga pamasahe halos wala ung ibang mandarayuhan, utang muna pagkatapos na ng anihan, kapag minalas malas pa at naperwisyo ng dumaang bagyo halos wala rin naiuuwi, sasabihin ng iba talo sila at sa susunod na anihan na lang ulit baka makabawi. Ang gastusin sa araw-araw ay bale (advances) din lahat at kapag natapos na ang anihan at naibenta na ang inaning mga palay saka pa lang sila nagpaparte parte bawas ang mga inutang. Sa barracks naman o sa tinutuluyan ngang tirahan nagsusugal sila gabi-gabi, sila- sila ang magkakalaro, pera pera din pero lista muna dahil nga mga wala silang hawak na pera libangan daw nila iyon, pampalipas oras pati na ang pag-inom at paninigarilyo ay naging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Akala ko noon normal lang na ganoon habang ako’y abala sa paglalaro samantalang ang mga kasing edad ko ay may kanya kanyang sunong na bigkis ng palay. Tulad nina Udong nagpabalik balik sila mga ilang dekada ring ganoon, natapos lang iyon ng ang mga dating lupang sakahan ay tinayuan na ng mga subdivision. Naalala ko lamang ulit iyon ng mapanood ko ang episode ni Udong, na sa makabagong henerasyon ay wala pa rin palang kupas ang ganoong uri ng sistema, marahil ung mga bata noon ang siya namang mga magulang na ng mga batang tulad nina Udong at Toto, ang kahirapan ng buhay pa rin ang namana ng mga inosenteng bata na dapat sana’y naglalaro sa halip na nagbabanat ng buto, na nag aaral sa paaralan sa halip na nagtututo ng pag-inom, sigarilyo at sugal. Cycle nga lang paikot ikot lang kaya paano makakalabas? Parang update lang ito ng nga nangyari na noon existing pa rin parang replay lang paulit-ulit.

Child labor nga ba? anong ugat nito? Iisa ang sagot posibleng ang kahirapan … sa pakikipag usap ko noon sa mga dumarayong mag aani sa aming lugar iisa ang sagot nila, hindi malayo sa isinasagot ni Udong na “silang mas bata kaya sila ang dapat pumasan ng responsibilidad”, matatanda na raw ang kanilang magulang at di na kakayanin ang mahirap na hanapbuhay tulad ng pagbubuhat ng mabigat. Ang pag-aaral di nila nakikitang paraan yon upang makaahon kung saan sila naroroon ngayon, kasi nga kung ang mga magulang mismo hindi nila naisip yon. Kaya nga nakatanim sa isip nila na mas mahalaga sa kahit ano pa man ang pagkita ng konting barya. Sa kapaligiran naman nila hindi uso ung nag-aaral kasi nga lahat nasa pagawaan o kaya nasa kanya kanyang hanap-buhay. Saan nga ba dapat magsimula, panalangin ko na nawa’y magsimula kay Udong ng bagong henerasyon! Dahil kung hindi sa kanya magsisimula hindi malayong kapag nagkapag asawa na siya, magkaka-anak at paglaki laki ng anak ay kasa-kasama na rin niya sa sakada, nawa’y maisip nilang tulad ng mga mandarayuhan noon sa aming lugar na darating ang araw na mawawala rin ang mga tubuhan tulad ng pagkawala ng dating palayang dinarayo ng mga mag-aani ilang taon ang nakalilipas.

Nawa’y sa kanya magsimula ang pagiging responsableng magulang, magulang na hindi gugustuhing sa murang edad ng magiging anak ay problemahin ang pang araw-araw na pangangailangan upang mabuhay, at mabaon sa responsibilidad na dapat sanay sa mga magulang na dapat na mag-aruga, na hindi sana niya maging produkto ang mga batang di naranasang makapaglaro at di maalala na sila’y minsan ding naging bata.

Kung hindi kay Udong kanino kaya? May tuluyan pa bang makakauwi? Sapalagay ko’y wala nga!

No comments: